Sa kagustuhan kong hindi antukin at makatulog, kanina ay nagtimpla ako ng kape, yung kadalasang timpla ko. Mas marami ang kape at konti ang asukal. Pagkatapos nag-CR lang ako sandali kasi galit na galit na pala ang pantog ko sa dami ng lamang maalat na likido. Pagkatapos kong pagbigyan si Inang Kalikasan, nakita ko si Mama na tinitikman ang tinimpla kong kape, medyo nagulat pa nga siya nung bigla akong nagsalita mula sa kanyang likuran ng “Mama, akin yan!”, sabay sabing “O ayan na,hindi ko din naman gusto”. Madalas sabihin ni mama sa akin na abnormal daw ako kasi wala na nga daw katamis-tamis ang kape ko, ang tigas pa ng lasa, kaya daw tuloy hindi na nga ako sweet ay masungit pa. Alam kong nagbibiro lang siya, at sanay na kong sinasabi ni mama sa akin ang mga iyon, kaso parang iba ang dating sa akin ng simpleng biro na iyon ngayon. Pagbalik ko sa harapan ng monitor ng PC ko at pinagpatuloy ang pag-iinternet, hindi mawala sa isip ko ang binitiwang salita ni mama. Naisip ko diba Mother Knows Best, hindi kaya sa kabila ng birong tinuran niya, totoo nga na masungit ako at hindi sweet. Nakakatuwa na sa simpleng kape niya naihambing ang ugali ko. Bakit hindi sa Frappé para medyo sosyal naman, o sa gatas para healthy diba. Habang sinisimsim ko ang lasa ng kapeng naging dahilan para malunod ako sa malalim na pag-iisip, nanuot sa akin ang pait ng lasa nya. Bitter din ba ako, gaya ng kape ko? Ako ba yung tipong mararamdaman mo ang pagkapait kasi makikita mo ang itim at luksa sa kulay ko. Naalala ko ang text message na natanggap ko dati, sabi dun “Its okay to be bitter, medicines usually taste bitter, but it makes you well” Koneksyon sa kape, Please! Kalokohan itong mga ideya na pumasok sa isip ko.
Higop sa mainit na kape, natauhan kasi napaso. Ngayon sagutin nyo ko, HOT din ba ko? ü
No comments:
Post a Comment